PBA team biyaheng Clark na!

PBA commissioner Willie Marcial

MANILA, Philippines — Tumulak na patu­ngong Clark, Pampanga ang PBA teams na papa­sok sa bubble para sa pagbabalik-aksyon ng PBA Season 45 Philippine Cup sa Oktubre 11.

Limang koponan ang unang umalis kahapon habang nakatakdang sumunod ngayong araw ang pitong teams.

Kabilang sa first batch ang Talk ’N Text, Magnolia, Meralco, Phoenix at Terra Firma.

Bago umalis ng May­nila, dumaan muna sa swab testing ang mga pla­yers, coaches, officials at team staff para masiguro na negatibo ang lahat sa coronavirus disease (COVID-19).

Pagdating sa Clark, muling sasailalim sa swab testing ang mga miyembro ng koponan upang matiyak na walang makakapasok na positibo sa coronavirus sa loob ng bubble.

Kabilang ito sa mga mahigpit na patakarang ipinatutupad ng pamunuan ng PBA bilang tugon sa matinding health protocols na hiniling ng Inter-Agency Task Force para sa restart.

Isiniwalat naman ni PBA commissioner Willie Marcial na negatibo ang lahat ng resulta sa swab testing na isinagawa sa lahat ng miyembro ng teams noong Setyembre 23 at 24.

Sa oras na magnega­tibo naman ang resulta ng swab testing na gagawin sa Clark, agad na sisimulan ng mga teams ang ensayo partikular na ang scrimmages para pagpagin ang kalawang na dulot ng ilang buwang pagkakatengga.

Maaaring mag-ensayo ang mga koponan sa Angeles University Foundation gym na siyang gagamiting venue sa PBA restart.

Inilalatag na rin ang isa pang court sa second floor ng naturang venue upang maging practice venue ng mga teams.

“We’re all set! Excited na ang lahat sa pagbabalik ng PBA,” ani Marcial.

Show comments