National athletes, coaches muling matatanggap ang full monthly allowance

PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez
STAR/File

MANILA, Philippines — Muling matatanggap ng mga national athletes at coaches ang kabuuan ng kanilang buwanang allowance.

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes ang “Bayanihan to Recover as One Act” o ang “Bayanihan 2” kung saan kasama ang sports budget na P180 milyon.

Ang nasabing pondo ay para sa pagbabalik ng full monthly allowances ng mga national athletes at coaches.

Noong Hunyo ay tinap­yasan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng 50 porsiyento ang natatanggap na monthly allowance ng mga national athletes at coaches.

Ito ay ginamit ng gobyerno para sa pagharap sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

Ang nasabing P180 milyon ay isinama ni Tagaytay City Rep. at Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa “Bayanihan 2”.

Isa sa mga natuwa sa pagbabalik ng full monthly allowance ay si 2019 World Women’s champion Nesthy Petecio, ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist, na tumatarget ng silya para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.

Sinabi ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez na ibabalik nila ang full monthly allowance ng mga athletes at coaches sa oras na inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang naturang pondo.

Show comments