De Los Santos bumanat ng ginto sa E-Tournament

MANILA, Philippines — Matamis na nasungkit ni world ranked No. 2 Orencio James De Los Santos ang gintong medalya sa men’s kata seniors event ng Athletes’ E-Tournament.

Inilatag ni De Los Santos ang mahusay na performance nito sa championship round upang gulantangin si world ranked No. 1 Eduardo Garcia ng Portugal sa gitgitang iskor na 25-24.9 points.

Matamis na pagresbak ito para kay De Los Santos na magugunitang natalo kay Garcia sa gold-medal match sa mga nakalipas na torneo.

“Whenever I face Portugal, it’s always in the final showdown. This is the third time this happened. I was unlucky at the first two,” wika ni De Los Santos.

Malaki ang pasasalamat ni De Los Santos kay Ja-panese Masa Saito na siyang tumutulong sa kanya sa training upang mas maging solido ang kanyang routine.

Sunod na lalahukan ni De Los Santos ang prestihiyosong Adidas Karate World Open Series — ang ikatlong yugto ng world series na idaraos sa Agosto 17.

Dahil sa kanyang gold medal sa Athletes’ E-Tournament, inaasa­hang mapapala­kas nito ang pag-asang umangat sa No. 1 sa world ranking.

Show comments