Pacquiao-Crawford niluluto na! - Arum

Terrence Crawford
File

MANILA, Philippines — Mas lumilinaw ang pagtutuos nina World Boxing Association (WBA) welterweight champion Manny Pacquiao at World Bo­xing Organization (WBO) welterweight king Terence Crawford sa kabila ng mahabang listahang posibleng makalaban ng Pinoy champion.

Mismong si Top Rank Promotions chief Bob Arum ang nagkumpirma ng balita matapos makausap si Pacquiao sa pamamagitan ng conference video call application na zoom.

Ayon kay Arum, handa si Pacquiao na harapin si Crawford.

“I’ve talked to Manny via Zoom, first time I talked to him face to face in a while, Manny was getting ready to go bed, it was morning in California, and he is ready to go (against Crawford),” pahayag ni Arum sa pa­nayam ng Philboxing.

Una nang isiniwalat ni Arum na gumugulong na ang negosasyon para maikasa ang pagtutuos nina Pacquiao at Crawford sa isang unification bout.

“We are working on Crawford vs. Manny Pacquiao at the moment. Crawford needs a gate. We’re talking to a couple countries about getting him a big fight,” ani Arum sa hiwalay na panayam.

Nakatakdang magbalik-aksyon ang Top Rank sa Hunyo 9 sa Las Vegas, Nevada. Closed-door event ang lahat ng laban upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ngunit walang balak si Arum na ganapin sa Amerika ang planong laban nina Crawford at Pacquiao dahil nais nitong magkaroon ng live audience ang naturang laban.

Naniniwala si Arum na inaasahang tatabo sa takilya ang naturang laban dahil sa popularidad ng eight-division world champion na si Pacquiao.

Kaya naman target ng beteranong promoter na hanapan ito ng venue na pinahihintulutang makapanood ang mga boxing fans.

Ilan sa tinitingnan ng kampo ni Arum ang Middle East partikular na ang Saudi Arabia gayundin ang Macau para sa posibleng maging host ng Pacquiao-Crawford fight.

“Manny is ready to do that fight and we’ll try to do that out of the United States,” wika pa ni Arum.

Tahimik ang kampo ni Pacquiao.

Wala pang anunsiyo ang Pinoy champion sa kung sino ang sunod na makakalaban nito.

Show comments