POC pabor sa SEAG hosting sa huling bahagi ng 2021

Para hindi dikit sa Olympics

MANILA, Philippines — Suportado ng Philippine Olympic Committee (POC) ang planong pagtataguyod ng 31st SEA  Games sa hu­ling bahagi ng 2021 sa Hanoi, Vietnam.

Target ng Vietnam na itanghal ang biennial meet sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2 ngunit inaabangan pa ng host country ang magiging pinal na desisyon ng SEA Games Federation Council para maipormalisa ito.

“Vietnam has yet to get the SEA Games Federation’s formal approval. But we will support the dates November 21 to December 2. Those dates provide enough window from the Tokyo which could be in the July to August period,” ani POC president Abraham Tolentino.

Maganda aniya ang naturang petsa dahil malayo layo ito sa Olympic Games na inilipat ng International Olympic Committee at Japan Olympic Games organizing committee sa 2021 dahil sa coronavirus disease (Covid-19) pandemic.

Bagama’t wala pang eksaktong petsa, inihayag ng IOC na sa summer nang susunod na taon idaraos ang Tokyo Games.

Karaniwan nang Hul­yo hanggang Agosto ang summer season sa Japan.

Nakatakdang magpulong ang mga miyembro ng SEA Games Federation Council sa Mayo 20 hanggang 21 sa Hanoi upang talakayin ang mga pangunahing kailangan para sa biennial meet partikular na ang mga lalaruing events at petsa ng mga deadlines sa pagsusumite ng lineup.

Inaasahang tatalakayin din ang usapin sa coronavirus na tumama rin sa iba’t ibang panig ng Southeast Asia.

Sakaling hindi matuloy ang aktuwal na meeting dahil sa coronavirus, posib­eng mauwi rin ang pagpupulong sa video conferen­cing gaya ng ginawa ng mga miyembrong bansa sa Asean Para Games kamakailan.

Show comments