Fajardo, Perez pararangalan ng PBAPC

June Mar Fajardo

MANILA, Philippines — Hindi pa tapos ang pagkamit nina six-time PBA MVP winner June Mar Fajardo ng San Miguel at Rookie of the Year CJ Perez ng Columbian.

Babanderahan nina Fajardo at Perez ang inisyal na honor roll list na pararangalan sa 2019 PBA Press Corps Awards Night sa Marso 16 sa Novotel Manila sa Araneta City.

Tatanggapin ng premier big man ng Beermen ang Order of Merit para sa pinakamaraming nakuhang Player of the Week honor sa nakaraang season.

Si Perez naman ang bagong Scoring Champion at unang rookie na nagawa ito matapos si Eric Menk noong 1999.

Ang nasabing awards ay dalawa lamang sa kabuuang 11 na ibibigay sa nasabing event na inihahandog ng Cignal TV.

Papangalanan din ang bagong All-Interview team at ang dalawang Finals MVPs ng 2019 PBA D-League.

Ang All-Interview team ay binubuo nina Kiefer Ravena ng NLEX, Beau Belga ng Rain or Shine, Vic Manuel ng Alaska, Arwind Santos ng San Miguel, Christian Standhardinger ng NorthPort at NLEX coach Yeng Guiao.

Ang D-League Finals MVPs naman ay sina Thirdy Ravena ng Cignal-Ateneo (Aspirant’s Cup) at Hessed Gabo ng BRT-Sumisip Basilan-St. Clare (Foundation Cup).

Ang iba pang awards na ipapamahagi ay ang Game of the Season, All-Rookie Team, Mr. Quality Minutes, Defensive Player of the Year, President’s award at Danny Floro Exe­cutive of the Year.

Show comments