Diaz, Petecio babandera sa major awardees

Hidilyn Diaz
Facebook/International Weightlifting Federation

MANILA, Philippines — Hindi mawawala ang mga pangalan nina lady boxer Nesthy Petecio at lady weightlifter Hidilyn Diaz sa pararangalan sa annual SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Awards Night sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Babanderahan nina Petecio at Diaz ang 12 pang personalidad na gagawaran ng parangal mula sa pinakamatandang media organization sa bansa sa gala night na inihahandog ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, Rain or Shine at Air Asia.

Ang dalawang lady athletes ay miyembro rin ng Team Philippines na bibigyan ng Athlete of the Year award matapos kunin ang overall championship ng nakaraang 30th Southeast Asian Games noong nakaraang taon.

Ang 27-anyos na si Petecio ang nag-uwi ng f­eatherweight gold mula sa AIBA Women’s World Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia.

Bumuhat naman ang 29-anyos na si Diaz, ang silver medal winner noong 2016 Rio Olympics, ng silver medal sa Asian Championships bukod pa ang dalawang bronze sa World Weightlifting Championships.

Ang unang qualifier para sa 2020 Tokyo Olympics na si pole vaulter Ernest John Obiena ay isa ring major awardee matapos pangunahan ang qualifying meet sa Chiara, Italy.

Show comments