Tatapusin na ng Letran

Ito ang reaksyon ni Edson Batiller matapos talunin ng Letran ang San Beda sa Game 1.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines — Hangad ng No. 3 seed Letran Knights na tapusin na ang serye habang asam naman ng three-peat champion San Beda Red Lions na humirit pa ng do-or-die game sa kanilang paghaharap ngayon sa Game 2 ng best-of-three Finals series ng Season 95 NCAA basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tangan ng Knights ang 1-0 bentahe sa serye matapos ang kanilang 65-64 panalo sa Game 1 noong Martes na lalong nagpa­lakas sa tiwala at determinasyon ng 17-time champion Letran kaya asahan na ang down-the-wire battle sa kanilang engkuwentro sa alas-4 ng hapon.

Sa junior’s division, hangad naman ng San Beda Red Cubs na itakas ang kanilang ika-23rd titulo laban sa Lyceum Junior Pirates sa ala-1 ng hapon.

Nagwagi ang 22-time champion Red Cubs sa Game 1 (94-80) noong Martes din.

Dahil sa natamong kauna-unahang kabiguan sa Finals sa nakalipas na apat na taon, gusto ng Red Lions makaresbak at nagkataon na sa mga kamay pa ng karibal na Knights kung saan natalo sila sa serye, 1-2 noong Oktubre 29, 2015.

Inaasahan din na mu­ling ipapakita ng Letran ang mahigpit na depensa na siyang naging gabay sa kanilang panalo sa Game 1 para putulin na ang mahabang 32-game winning streak ng San Beda kabilang na ang 14 sa nakalipas na taon at 18 sa season na ito.

Tiyak ding gagawa ng adjustments si head coach Boyet Fernandez sa kanilang opensa at depensa para iwasan ang nangyayari sa krusyal stretch ng Game 1 kung saan lumamang pa ang Red Lions, 60-56 ngunit hindi nila napigilan ang 7-0 run nina Fran Yu at Jerrick Balanza ng Letran na siyang dahilan ng pagbagsak sa depensa ng Mendiola-based team.

Tukoy ni multi-titled coach Fernandez ang kanilang mababang 15 por­s­yentong shooting sa three-point zone sa 6-of-40 attempts. Ang Red Lions ay nangunguna sa three-point shooting sa averaged na 9.5 triples kada laro at 33.2 percent conversion sa elimination round.

Show comments