Bolts kumuha ng ‘twice-to-beat’
MANILA, Philippines — Hindi na napigilan pa ang Meralco sa pag-angkin sa isa sa apat na ‘twice-to-beat’ incentive sa eight-team quarterfinal round.
Humataw ang Bolts sa fourth quarter para talunin ang NorthPort Batang Pier, 103-89, at dumiretso sa kanilang pang-limang sunod na ratsada sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nakahugot ang Meralco ng magandang laro mula kay point guard Anjo Caram na nagtala ng 30 points para itaas ang kanilang baraha sa 8-2 kasabay ng pagpapalasap sa NorthPort ng ikalawang dikit nitong kabiguan para sa 3-6 marka katabla ang Alaska.
“My role in this team is to relieve Baser (Amer),” sabi ni Caram na nagsalpak ng apat na three-point shots. “Hindi ko na inintindi ang score, basta nag-focus lang ako sa gameplan namin.”
Naging dikitan ang laro mula sa first period hanggang sa halftime kung saan binitbit ng Bolts ang 50-45 abante bago iniwanan ang Batang Pier sa pagtatayo ng 11-point lead, 63-52, sa 6:28 minuto ng third quarter.
Ngunit isang mahabang 17-9 atake ang inilunsad ng NorthPort sa pangunguna ni import Michael Qualls para makalapit sa pagtatapos ng nasabing yugto, 69-72.
Isang 12-3 bomba ang isinagot ng Meralco sa likod nina Caram, two-time PBA Best Import Allen Durham at Chris Newsome para itala ang 12-point advantage, 84-72, sa 8:13 minuto ng final canto.
Napatalsik naman si NorthPort Fil-German big man Christian Standhardinger sa huling 4:18 minuto ng labanan matapos makuha ang ikalawang technical foul na nagbaon sa kanila sa 80-90.
Tumapos si Durham na may 26 points, 19 rebounds at 3 assists para sa pag-angkin ng Bolts sa solong liderato.
- Latest