5 medalya sinuntok ng Pinoy pugs sa China

MANILA, Philippines — Nakasungkit ang Pinoy boxing team ng limang medalya kabilang ang dalawang ginto sa 2019 China-ASEAN Boxing Championships na ginanap sa Guangxi, China.

Bumandera sa atake ng Pilipinas sina Jere Samuel dela Cruz at Marjon Piañar na sumuntok ng gintong medalya sa kani-kanilang dibisyon.

Humataw ng husto ang Panabo, Davao del Norte pride na si Piañar maka­raang ilampaso nito si Wei Chao Yi ng host China sa semifinals kasunod ang masuwerteng walkover win kay Dhinesh Kumar ng Singapore sa finals ng Men’s 69 kg. category.

Umarangkada rin si Dela Cruz na tubong Murcia, Negros Occidental nang pataubin nito si Li Di Cheng ng China sa championship round sa pamamagitan ng unanimous decision win (5-0) sa Men’s 64 kg. class.

Umabante sa finals si Dela Cruz matapos gapiin si Vy Sophors ng Cambodia sa semis.

Nagkasya naman si Southeast Asian Games veteran Irish Magno sa pilak na medalya nang matalo ito kay Indonesian fighter Endang via 1-4 split decision sa women’s flyweight division.

Galing naman ang tanso kina Riza Pasuit at Mario Fernandez matapos matalo sa kani-kanilang semis bouts.

Natalo si Pasuit kay Yang Xiao Lan ng China (1-4) sa Women’s 60 kg. Habang umani naman si Fernandez ng 2-3 split decision loss kay Chen Jian Heng ng China sa Men’s 56 kg.

Ang torneo ay bahagi ng paghahanda nina Magno at Fernandez para sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Show comments