Marcial nakatiyak ng tanso sa AIBA meet

MANILA, Philippines — Muling inilabas ni Eumir Felix Marcial ang kanyang bagsik para makahirit ng tiket sa semifinal round ng men’s middleweight (75 kgs.) class sa 2019 AIBA World Boxing Championships na ginaganap sa Yekaterinburg, Russia.

Hindi nagpatumpik-tumpik ang two-time Southeast Asian Games champion na si Marcial nang iselyo ang 5-0 unanimous decision win laban kay Mousavi Seyedshahin ng Iran para pumasok sa medal round.

Nahablot ni Marcial ang boto ng lahat ng limang hurado na pare-parehong may 30-27 desisyon na ibinigay sa kanya.

Sasagupain ni Marcial sa semis si third seed Kulakhmet Tursynbay ng Kazakhstan na umiskor ng parehong 5-0 unanimous decision win (30-27, 30-27, 30-27, 30-27, 30-28) laban naman kay Arman Darchinyan ng Armenia.

Dahil sa pagpasok ni Marcial sa semis ay makasisiguro na siya ng tansong medalya para mapantayan ang performance ng national boxing team sa 2015 edisyon kung saan nakasungkit ng tanso si Rogen Ladon.

Ngunit naglabas ng statement ang International Olympic Committee na hindi nito kikilalanin ang AIBA World Boxing Championships bilang isang Olympic qualifying event para sa 2020 Tokyo Olympics.

Sa halip ay idaraos ang Olympic qualifying tournament para sa Asia-Oceania sa Pebrero 3 hanggang 10 sa Wuhan, China.

Hindi naman pinalad na makapasok sa semis si Carlo Paalam nang makalasap ng 1-4 split decision loss laban kay 2018 Indonesia Asian Games gold medallist Amit ng India sa men’s flyweight class (52 kgs.).

Show comments