Bautista puntirya ang tiket sa 3rd round

MANILA, Philippines — Magtatangkang humirit ng tiket sa third round si Ian Clark Bautista sa men’s featherweight (57 kgs.) division ng 2019 AIBA World Boxing Championships ngayong araw sa Yekaterinburg, Russia.

Makakasagupa ni Bautista si Mirko Jehiel Cuello ng Argentina na nakahirit ng opening-round bye.

Nais ni Bautista na masundan ang kanyang 5-0 unanimous decision win kay Viliam Tanko ng Slovakia sa first round ng torneong nilahukan ng mahigit 300 boxers mula sa 78 bansa.

Nakatakdang sumalang kagabi sina two-time Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial at Carlo Paalam sa kani-kanilang dibisyon.

Sasabak si Marcial kontra kay second seed Tarik Allali ng Morroco sa men’s middleweight (75 kgs.) habang aariba naman si Paalam sa men’s flyweight class (52 kgs.) kontra kay Istavan Izaka ng Hungary.

Una nang nawala sa kontensiyon sina Kuala Lumpur Southeast Asian Games gold medallist John Marvin na nagpasyang magwithdraw sa second round ng men’s light heavyweight (81 kgs.) class matapos magtamo ng sugat sa ibabaw ng kilay.

Yumuko naman si James Palicte sa first round ng men’s light welterweight (63 kgs.) kay Jose Manuel Wafara ng Colombia via 0-5 unanimous decision loss (29-28, 29-28, 29-28, 29-28, 30-27).

Target ng tropa na malampasan ang isang tansong medalyang nakuha ng Pilipinas noong 2015 edisyon.

Show comments