Gilas women’s 3x3 team impake na

MANILA, Philippines — Nagtapos na ang kampanya ng Gilas Pilipinas women’s team.

Ito ay makaraang ma­ka­lasap ang mga Pinay cagers ng 16-21 pagkatalo sa  Australia sa quarterfinal round ng 2019 FIBA 3x3 Asia Cup kahapon sa Changsha, China.

Maski ang magandang outside shooting ni Janine Pontejos ay hindi sapat para ipasok ang Gilas Pilipinas women’s squad sa semifinals ng torneo.

Matapos kunin ng mga Pinay dribblers ang 4-1 abante ay kumamada si Alice Kunek para ibigay sa Australia ang 16-14 lead.

Ang basket ni Clare Castro ang nagdikit sa tropa sa 15-16 agwat bago muling bumandera si Kunek sa panig ng mga Aussies para tuluyan nang makalayo sa huling 1:31 minuto ng labanan.

Umiskor si Pontejos ng 8 points, ang lahat ng ito ay mula sa three-point line, para sa Gilas Pilipinas women’s team ni coach Patrick Aquino habang may 5, 2 at 1 markers sina Afril Bernardino, Jack Animam at Castro, ayon sa pagkakasunod.

Show comments