MANILA, Philippines — Magdamag na dinomina ng mga Hotshots ang rebounding deprtmant, habang hindi naman pumapasok ang mga tira ng Beermen sa three-point range.
Niresbakan ng Magnolia ang nagdedepensang San Miguel sa Game Three, 86-82, para kunin ang bentahe sa 2019 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nakabangon ang Hotshots mula sa 101-108 pagkatalo sa Game Two noong Biyernes para iposte ang 2-1 kalamangan sa kanilang best-of-seven championship series ng Beermen.
Muntik masayang ang itinayong 12-point lead, 54-42, ng Magnolia sa third quarter matapos makadikit ang San Miguel sa 79-82 mula sa three-pointer ni Alex Cabagnot sa huling 17 segundo ng fourth period.
Ang apat na sunod na free throws ni Mark Barroca ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Hotshots.
Samantala, kinuha ng TNT Katropa si dating Houston Rockets forward Terrence Jones para sa darating na 2019 PBA Commissioner's Cup na didribol sa Mayo 19.
Hangad ng Tropang Texters na makabangon mula sa pagkakasibak sa 2019 PBA Philippine Cup.
Ang Barangay Ginebra ang nagkampeon noong nakaraang taon.