Macas sumuntok ng gold sa Arafura

DARWIN, Australia – Nagbulsa si John Ignatius Macas ng gold medal sa men’s boxing competitions ng 2019 Arafura Games matapos talunin si Ivan Pavich ng New Zealand via referee stopped contest sa Darwin Convention Centre.

Ang panalo ng 19-anyos na flyweight mula sa Cagayan De Oro City ang nag-iisang gintong medalya ng Team Philippines sa boxing event sa kanilang kampanya na sinuportahan ng Philippine Sports Commission at Standard Insurance.

Ang tagumpay ni Macas ang nagtaas sa 31 gold medals ng bansa sa final day.

Kasalukuyan pang naglalaro ang mga Pinoy athletes sa men’s basketball, sepak takraw at badminton habang isinusulat ito.

Natalo si Jhon Christian Noces kay Tom Hanns  ng New Zealand sa semifinal round, ngunit nakasikwat pa rin ng bronze medal sa pagpasok sa final four ng men’s welterweight division.

Pinatumba naman ng men’s beach volleyball team ang Australia 7 sa pamamagitan ng 21-10, 21-12 tagumpay para kunin ang bronze medal.

Bumangon sina Johnrel Amora at Hachaliah Gilbuena mula sa kanilang semifinal loss sa Samoa, 23-25, 21-15, 15-11, para sikwatin ang tansong medalya .

Show comments