Warriors top seed sa West

Humataw si Stephen Curry ng 27 points para pamunuan ang Warriors sa 131-104 pagdurog sa bisitang Los Angeles Clippers sa kanilang final regular-season game sa Oracle Arena.

OAKLAND, California -- Kagaya ng inaasahan, tuluyan nang sinikwat ng Golden State Warriors ang Western Conference top seed.

Humataw si Stephen Curry ng 27 points para pamunuan ang Warriors sa 131-104 pagdurog sa bisitang Los Angeles Clippers sa kanilang final regular-season game sa Oracle Arena.

Ito ang pang-limang su­­nod na arangkada ng Golden State.

Nagdagdag si Kevin Durant ng 16 points at 7 assists para sa Warriors, pinarangalan ang mga nakaraang players ng prangkisa sa pagsusuot ng throwback white “We Believe” jerseys na ginamit noong 2007 playoff run na tumapos sa kanilang 12-year postseason drought.

Matapos ang 47 taon na paglalaro sa Oracle ay lilipat ang tropa sa bagong Chase Center sa San Francisco sa susunod na season.

Umiskor naman si Lan­dry Shamet ng 17 points kasama ang limang 3-poin­ters para sa Clippers, nalaglag sa seventh-place ka­tabla ang San Antonio Spurs sa West Confe­rence.

Sa Boston, humataw si Terrence Ross ng 26 points at kumolekta si Nikola Vucevic ng 25 points at 12 rebounds para igiya ang Orlando Magic sa 116-108 paggiba sa Celtics at masikwat ang una nilang playoff berth sa nakaraang pitong taon.

Bagama’t natalo ay napasakamay pa rin ng Celtics ang fourth seed at home-court advantage sa first round.

Sa Indianapolis, umiskor si D’Angelo Russell ng 20 points habang may 19 markers si Joe Harris para tulungan ang Brooklyn Nets sa 108-96 panalo laban sa Indiana Pacers at makapasok sa NBA playoffs sa unang pagkakataon matapos ang apat na taon.

Show comments