MANILA, Philippines — Puntirya ng Che’lu Bar and Grill na maikonekta ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa McDavid sa 2019 PBA D-League sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Magtutuos ang Revellers at McDavid ngayong alas-4 ng hapon sa Aspirant’s Group.
Wala pang panalo ang McDavid kaya’t pinayuhan ni Chélu head coach Stevenson Tiu na hindi dapat maging kumpiyansa ang kanyang bataan.
“I’m always reminding my players that even though they’re talented and experienced, it’s a guarantee that we’ll win. We have to work hard every game whichever team we face,” wika ni Tiu.
Lumasap ang Che’lu ng 77-82 kabiguan sa kamay ng Saint Clare College-Virtual Reality ngunit mabilis silang nakaresbak matapos itarak ang 89-63 paggupo sa Batangas-Emilio Aguinaldo College.
Sasandalan ng Revellers si Adamson University ace Sean Manganti kasama sina Jeff Viernes, Jesse Collado at Jay-R Taganas.
Nais ng Che’lu na mapaganda ang kanilang 2-1 baraha.
Galing naman ang McDavid sa tatlong dikit na kabiguan kabilang ang 64-89 pagyuko sa Petron-Colegio de Sa Juan de Letran.
Kaya naman kakayod nang husto sina David Caranguian, Michael Sorela, James Martinez at Jan Colina para mapaangat ang kanilang puwesto sa Aspirants Group.
Samantala, magtatagpo naman ang Marinerong Pilipino (2-2) at The Masterpiece Clothing-Trinity University of Asia (0-3) sa unang bakbakan sa alas-2 ng hapon.
Tumupi ang Skippers laban sa Wangs Basketball, 78-88, habang natalo rin ang White Stallions sa mga kamay naman ng Cha Dao-Far Eastern University (81-106) sa larong parehong ginanap noong Marso 14.