Austria, Cone, Victolero bakbakan sa Coach of the Year

Bukod sa Coach of the Year, ibibigay din ang Executive of the Year, Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes at Breakout Player of the season.

MANILA, Philippines — Pag-aagawan nina Leo Austria, Tim Cone at Chito Victolero ang 2018 Coach of the Year sa pagdiriwang ng PBA Press Corps ng kanilang ika-25 taon sa pamamagitan ng tradisyunal Awards Night sa Enero 21 sa Novotel Manila sa Araneta Center.

Nagwagi ang tatlong coaches ng PBA cham­pionship sa nakaraang 43rd season para ma­ging kandidato sa Virgilio ‘Baby’ Dalupan trophy, ipina­ngalan sa namayapang ‘Maestro’ ng coaching, na ibibigay sa silver anniversary ng PBAPC.

Iginiya ni Austria ang San Miguel sa ikaapat na sunod na PBA Philippine Cup title  habang inihatid ni Cone ang Barangay Ginebra sa una nilang Commissioner’s Cup crown sa loob ng 21 taon at tinulungan ni Victolero ang Magnolia sa pagkopo sa Governor’s Cup matapos ang 2014 grand slam season.

Sa 24th edition ng event ay nakamit ni Austria ang ikatlong sunod niyang Coach of the Year award para permanenteng mai­display ang Dalupan trophy at maging unang mentor na magawa ito sapul nang ibigay ng mga sportswriters mula sa print at online media ang naturang pagkilala noong 1993.

Si Cone ang hinirang na Coach of the Year noong (1994, 1996 at 2014) samantalang ito ang unang pagkakataon na lalaban si Victolero para sa nasabing tropeo.

Bukod sa Coach of the Year, ibibigay din ang Executive of the Year, Defensive Player of the Year, Mr. Quality Minutes at Breakout Player of the season.

Bilang bahagi ng pang-25th year anniversary ce­lebration, papangalanan ng PBAPC ang kauna-una­hang tatanggap ng Lifetime Achievement Award at ang pagbuhay sa President’s Award.

Show comments