Semis puntirya ng Creamline vs Iriga
Laro Ngayon (The Arena)
4 p.m. Pocari-Air Force vs BanKo-Perlas
6 p.m. Iriga-Navy vs Creamline
MANILA, Philippines — Nais ng Creamline na masiguro ang semis spot sa pagharap nito sa Iriga-Navy sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Season 2 Open Conference ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang engkuwentro ng Cool Smashers at Lady Oragons sa alas-7 ng gabi matapos ang duwelo ng Pocari-Air Force at BanKo Perlas sa alas-4 ng hapon.
Nasolo ng Creamline ang No. 2 spot hawak ang 8-2 marka matapos payukuin ang Pocari-Air Force (23-25, 25-21, 25-20, 22-25, 15-9) noong Linggo sa larong ginanap sa Legazpi City.
Target ng Cool Smashers na samahan ang Ateneo na nauna nang nagmartsa sa semis bunsod ng 10-3 kartada nito.
Kaya inaasahang ilalabas ng Creamline ang buong puwersa nito sa pangunguna nina Alyssa Valdez na isa sa nangungunang kandidato sa MVP race at ace setter Jia Morado.
Magpapasiklab din sina opposite hitter Michele Gumabao at wing spiker Jema Galanza habang mamanduhan nina Risa Sato at Maria Paulina Soriano ang net defense ng tropa.
- Latest