Gazz Angels mainit ang debut, Fighting Warays tinakasan

Humataw ng husto si dating La Salle standout at team captain Paneng Mercado na pumalo ng 14 puntos tampok ang 11 attacks para buhatin ang Petro Gazz sa pambuenamanong panalo.
Petro Gazz Angels Facebook

Laro Ngayon(Imus, Cavite)

4pm Pocari vs Ateneo

6pm Petro Gazz vs BanKo Perlas

MANILA, Philippines — Humarurot agad ang Petro Gazz nang pataubin nito ang Tacloban Fighting Warays, 25-22, 25-14, 26-24 sa pagsisimula ng Premier Volleyball League Season 2 Open Confe­rence kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Humataw ng husto si dating La Salle standout at team captain Paneng Mercado na pumalo ng 14 puntos tampok ang 11 attacks para buhatin ang Petro Gazz sa pambuenamanong panalo.

“Lumabas na yung pinaghihirapan namin for the past few months after ng previous conference. Sobrang happy ako na na-apply namin yung mga natutunan namin sa trai­ning,” ani Mercado anak ni dating sprint queen Lydia  de Vega-Mercado.

“Sobrang important nitong game dahil yung eager­ness namin sa up coming games namin tataas. Ang challenge na lang sa amin ngayon is to have proper rest,” dagdag pa ni  Mercado.

Naging armas ng Gazz Angels ang malalim na karanasan upang pigilan ang tangkang pagresbak ng Fighting Warays sa mga huling sandali ng third set.

Nakasakay ang Gazz Angels sa 21-17 kalama­ngan sa third set. 

Ngunit unti-unting nakadikit ang Fighting Warays matapos ang ilang attack errors ng Gazz Angels kasabay ng ilang malulupit na down-the-line hits ni Tacloban ace hitter Jovielyn Prado, middle attack ni Mary Anne Esguerra at opposite hit ni Judith Abil.

Tumabla pa ang iskor sa 24-all bago naglatag si Ranya Musa ng drop shot at solidong block nina Musa at Chie Saet kay Heather Guinoo para makuha ng Gazz Angels ang panalo.

Samantala, magpapa­tuloy ang aksyon ngayong araw sa pagdayo ng liga sa Imus Sports Complex sa Imus, Cavite.

Lalarga sa unang laro ang three-time PVL champion Pocari-Air Force at Ateneo de Manila University sa alas-4 ng hapon kasunod ang banggaan ng Petro Gazz at BanKo Perlas sa alas-6 ng gabi.

“We realize that with the unprecedented rise in the popularity of women’s volleyball, many want to watch our games. But their distance to our home venue in San Juan are prohibiting them to. Particularly this season, Sports Vision is bringing more and more PVL  games to the provinces,” wika ni  Sports Vision president Ricky Palou.

Show comments