MANILA, Philippines — Nakaeskapo ang Bulacan Kuyas laban sa Basilan Steel, 59-57, upang masungkit ang pang-limang panalo at umangat sa solo second spot sa 2018 Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Anta Datu Cup noong Martes ng gabi sa Marist School Gymnasium sa Marikina City.
Umiskor si Jason Melano ng winning jumper sa krusyal na segundo para sa ikaapat sunod na panalo ng Kuyas at pang-lima sa kabuuan at makuha ang solo second sa likuran ng San Juan Knights (5-0) sa Northern Division.
Tabla pa sana ang iskor sa 57-57, ngunit hindi pumasok ang triple ni Jojo Tangkay ng Basilan kaya nakakita si Melano ng pagkakataon para burahin ang huling deadlock sa huling pitong segundo ng laro.
Dahil sa pagkatalo, bumaba ang Basilan Steel sa four-way tie mula sa ikaanim na puwesto hanggang sa pang-siyam na upuan kasama ang Batangas Athletics, Laguna Heroes at Davao Occidental Tigers sa parehong 2-3 record sa Southern Division.
Sa iba pang laro, naglaro si movie at TV actor Gerald Anderson para bigyan ng inspirasyon ang Marikina Shoemasters tungo sa 71-67 panalo kontra sa Pasig Pirates.
Nagtala ng one point si Anderson na may kasamang 3 steals at mahigpit na depensa upang makamit ng Shoemasters ang ikatlong panalo sa anim na laro, habang patuloy ang pagluluksa ng Pirates sa ilalim ng standing sa Northern Division.
“May laro talaga siya (Anderson). You’ve got to see him play. If not for the loose balls and steals na ginawa niya baka hindi pa kami nanalo,” ani coach Elvis Tolentino.