Pirates ‘di pinaporma ang Heavy Bombers

Hindi pinaporma ng Pirates ang kanilang karibal mula umpisa hanggang dulo ng laro upang angkinin ang ikatlong sunod na panalo at mapatatag ang kapit sa solong pamumuno.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Ibinuhos ng Lyceum of the Philippines ang malamig na 88-56 desis­yon kontra sa Jose Rizal University upang manati­ling malinis ang kanilang rekord sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Hindi pinaporma ng Pirates ang kanilang karibal mula umpisa hanggang dulo ng laro upang angkinin ang ikatlong sunod na panalo at mapatatag ang kapit sa solong pamumuno.

Pinangunahan ni Mike Nzeusseu ang balanseng atake ng Lyceum nang umariba ito ng 21 points, 10 rebounds at dalawang assists samantalang nagparamdam din si reigning MVP CJ Perez na umukit ng 12 markers.

Nakalikom din si Jaycee Marcelino ng 12 points gayundin si Kim Cinco ng 11 markers para sa Pirates na umiskor ng 30 puntos mula sa 34 turnovers ng Heavy Bombers.

Mayroon ding 14 fastbreak points ang Lyceum buhat sa 23 assists nito.

Patuloy na inaalat ang Heavy Bombers na lumasap ng ikalawang sunod na kabiguan.

Nagtala ng pinagsamang 24 puntos sina Jed Mendoza at Mark Mallari para sa Jose Rizal.

Sa unang laro, pinataob ng College of Saint Benilde ang Mapua University, 90-79 para sumampa sa win column tangan ang 1-1 baraha.

Bumida para sa Bla­zers si  Yankie Haruna na nagtala ng impresibong 19 puntos mula sa 8-of-12 shooting clip sa 17 minutong pag­lalaro habang nagdagdag sina Justin Gutang ng 17 markers at Edward Dixon ng 13 points.

Nahulog ang Cardinals sa parehong 1-1 baraha.

Nanguna para sa Ma­pua sina Justin Serrano at Noah Lugo na may tig-14 puntos.

Show comments