Pacquiao may gustong patunayan

Manny Pacquiao at Lucas Matthysse

KUALA LUMPUR – Huling lu­maban si Manny Pacquiao noong Hulyo ng nakaraang taon at  nga­yong araw ay pipilitin niyang agawin ang WBA welterweight crown mula sa ulo ni Lucas Matthysse ng  Argentina.

Gustong patunayan ng 39-an­yos na si Pacquiao na kaya pa rin niyang maging kampeon kahit na marami ang nagsasabing laos na siya at dapat nang magretiro.

Ang Axiata Arena ang magiging venue ng laban.

Isinuko ni Pacquiao ang kanyang dating hawak na WBO welterweight belt kay Australian Jeff Horn noong Hulyo ng 2017 sa Brisbane, Australia kung saan nakita ng mga kritiko ang kabiguan ng world eight-division champion na tapusin ang 29-an­yos na school teacher sa ilang pagkakataon.

Sa 16,000-seat arena at sa harap ni Presidente Rodrigo Duterte ay pipilitin ni Pacquiao na ipaalala sa kanyang mga fans ang dati niyang bilis at lakas sa paghahamon kay Matthysse.

“We will see after this fight if I can still continue figh­ting,” ani Pacquiao sa bisperas ng pinakamala­king boxing event sa Malaysia matapos ang upakan nina Muhammad Ali 43 taon na ang nakakalipas.

Personal na inimbitahan ng fighting senator si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad para panoorin ang kanyang laban kasama ang mga libu-libong Pinoy fight fans.

Naipatalo ni Pacquiao, ang dating ikinunsi­derang mukha ng boxing, ang apat sa huli niyang siyam na laban.

Sa kabila nito ay hindi pa rin siya nakinig sa mga  gustong siya ay tuluyan nang magretiro sa sport na kanyang pinakamamahal.

Target ni Pacquiao ang kanyang ika-60 panalo (59-7-2) sapul nang maging pro boxer noong 1995 laban sa 35-anyos na si world welterweight king mula sa Argentina na mayroong 36 knockouts sa 39 panalo.

“I am motivated. I am happy. I am hungry,” wika ni Pacquiao.

Sinabi niyang nasasabik siyang ipakita sa buong mundo ang “a new Manny Pacquiao”.

Sinabi naman ni Matthysse na isang pangarap na natupad ang makalaban si Pacquiao.

“But Manny is older now. I will put the pressure on him. My style has always been aggressive. I will not change my style,”  wika ni Matthysse.

Show comments