Foton, UP unahan sa krusyal na panalo

Dahil sa nanganganib na ang pag-asa ng Foton ni coach Rommel Abella na hindi makapasok sa susunod na round, inaasahang itotodo na nila ang lakas sa alas-4:15 ng hapong sagupaan kontra sa Lady Fighting Maroons.
https://www.facebook.com/superligaphilippines

MANILA, Philippines — Maghaharap ang kapwa wala pang panalong Foton at UP-United Auctio­neers habang target ng Smart-Army ang ikatlong panalo sa pakiki­pagtipan sa UE-Cherrylume ngayon sa  pagpapatuloy ng 2018  Phi­lippine Superliga Invitational Conference sa Imus Sports Center sa Imus, Cavite.

Dahil sa nanganganib na ang pag-asa ng Foton ni coach Rommel Abella na hindi makapasok sa susunod na round, inaasahang itotodo na nila ang lakas sa alas-4:15 ng hapong sagupaan kontra sa Lady Fighting Maroons.

Ang Lady Maroons ni coach Godfrey Okumu ay wala pa ring panalo sa dalawang laro.

Sa kabilang banda, hangad naman ni coach Kungfu Reyes ng Smart Giga Hitters na pahig­pitin pa ang kapit  sa ikalawang puwesto sa Pool B sa pakikipaglaban sa wala pa ring panalong Cherrylume Lady Warriors sa alas-7 ng gabi.

Paborito naman ang  Giga Hitters na magwagi laban sa Lady Warriors na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng kanilang unang panalo.

Sa kanilang 2-1 win-loss kartada, halos nakakasiguro na ang Giga Hitters sa pagpasok sa susunod na round.

Ang tanging talo pa lamang ng Smart ay sa mga kamay ng Cignal HD kung saan winalis sila, 10-25, 24-26, 18-25, noong Hunyo 28.

Samantala, muling sa­sa­bak sa non-bearing game ang Philippine national women’s volleyball team ni coach Shaq De Los Santos laban sa defending champion Cignal HD Spi­kers sa alas-2 ng hapon.

Naging magaan ang unang laban ng national team matapos ilampaso ang Cocolife, 25-13, 25-17, 25-11  noong Sabado kaya inaasahang makakatulong sa kanilang preparasyon para sa 18th Asian Games sa susunod na buwan sa Jakarta, Indonesia ang kanilang pagsali sa PSL Invitational Conference. (FC)

Show comments