Foton pasok sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Sapat na ang panalo ng Foton sa Smart, 21-10, 21-17 para umusad sa quarterfinals ng Philippine Superliga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup kahapon sa Sands By the Bay sa Mall of Asia.

Mas maganda ang inilaro ngayon nina Nieza Viray at Jeziela Viray nang mabilis nitong igupo ang pares nina Ma. Cecilia Bangad at Caitlyn Viray ng Giga Hitters upang manati­ling malinis ang kanilang record tangan ang 2-0 rekord.

Noong Miyerkules, tinalo ng Viray twins sina Janine Navarro at May Vivas ng Cignal-B.

“At first, we were struggling. We had trouble jumping and playing on the sands. But after we made some adjustments, things became a little bit easy,” wika ni Jeziela.

Makakalaban ng Foton sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan nina Patty Orendain at Fiola Ceballos ng Generika-Ayala A at Danika Gendrauli at Nene Bautista ng Cocolife  A.

Namayani rin sina F2 Logistics bets Michelle Morente at Fritz Gallenero laban kina Cocolife B spi­kers Marge Tejada at Alex Tan, 21-16, 21-11 para sumampa sa win column.

Sa men’s division, pasok sa Final Four ang Sands by the Bay at Foton (Pool A) at ang Cignal at Smart (Pool B) matapos manguna sa kani-kanilang grupo.

Pinataob nina James Natividad at Bryan Bagunas ng Sands sina JP Pareja at Joshua Ylaya ng Cocolife, 21-10, 21-13  para makumpleto ang matikas na 3-0 sweep.

Show comments