Ricci tumawid na sa UP

MANILA, Philippines — Mula Taft, biyaheng Diliman si dating De La Salle University star Ricci Rivero.

Ito ay matapos magdesisyon ang Gilas Cadets standout na lumipat sa University of the Philippines.

Pormal nang inihayag ni Rivero ang kanyang pag­lipat sa kampo ng Figh­ting Maroons kahapon sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.

“When you’re down, there’s no where to go but UP!  DILIMAN here i come!,” ani Rivero.

Naglabasan din sa social media ang larawan kung saan pormal nang tinanggap ng UP si Rivero.

Nasa larawan ang mga magulang ni Rivero kasama ang ilang opisyal ng UP at si head coach Bo Perasol.

Suot ni Rivero ang UP t-shirt na may nakalagay na Unibersidad ng Pilipinas.

“They told me that UP Maroons fans were crazy about the team and were there for them, win or lose. I saw that, too, when I played against them; sobrang i­ngay ng mga taga UP; di mo alam kung lamang sila ng sampu o lamang ang kalaban nila ng sampu,” ayon sa statement ni Rivero.

Umalis si Rivero ng La Salle noong Abril dahil sa iba’t ibang kadahilanan kabilang na ang umano’y violation ng swingman sa university policies patungkol sa endorsement deals.

Hindi pa makalalaro si Rivero para sa Fighting Maroons dahil daraan pa ito sa residency period.

Nakasentro muna ang atensiyon ni Rivero sa Gilas Cadets na kasalukuyang naglalaro sa Filoil Flying V Preseason Premier Cup.

Nakatakdang magdiwang ng kanyang ika-20 kaarawan si Rivero sa Mayo 25.

Show comments