Simula na ang giyera
Fajardo gigil nang makaganti sa Hotshots
Laro Ngayon(Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel vs Magnolia
MANILA, Philippines — Sa kanilang best-of-seven semifinals series ng NLEX ay ipinakita ng Magnolia ang eksperyensa at katatagan.
At inaasahan ni coach Leo Austria ng nagdedepensang San Miguel Beermen na magiging determinado ang Hotshots na tanggalan sila ng korona sa 2018 PBA Philippine Cup Finals.
“They're inspired to beat us, and so we really have to be careful,” wika ni Austria sa bakbakan ng San Miguel at Magnolia ngayong alas-7 ng gabi sa Game One ng kanilang best-of-seven titular showdown sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ika-39 Finals appearance ng Beermen at target ang pang-25 titulo habang nasa pang-28 championship stint ng Hotshots at puntirya ang kanilang pang-14 korona.
Huling naglaban para sa kampeonato ang San Miguel at Magnolia noong 2013 PBA Governor's Cup Finals kung saan nilusutan ng San Mig Super Coffee (Magnolia) sa ilalim ni coach Tim Cone ang Petron (San Miguel) sa Game Seven sa rookie year ni four-time PBA MVP June Mar Fajardo.
“Kung pag-uusapan iyong first five (June Mar Fajardo, Arwind Santos, Chris Ross, Alex Cabagnot at Marcio Lassiter) nila, kahit sinong team hindi makakasabay. We need to have a good scheme and we need A-game from our players,” wika ni mentor Chito Victolero ng Hotshots.
Beermen coach Leo Austria at Hotshots coach Chito Victolero
Itatapat ng Magnolia sa starting five ng San Miguel sina veteran guards PJ Simon, Mark Barroca, Ian Sangalang, Paul Lee at Rafi Reavis.
“Kuha nila 'yung huling tatlong (Philippine Cup) championships. Mabigat silang kalaban,” ani Simon. “Pero titingnan namin kung ano ang magagawa namin.”
Para itakda ang kanilang title wars ay pinatalsik ng Beermen ang Ginebra Gin Kings, 4-1 habang sinibak ng Hotshots ang NLEX Road Warriors, 4-2 sa kanilang mga semifinals series.
Nilusutan ng San Miguel ang Magnolia, 77-76 sa una nilang pagtutuos sa elimination round noong Pebrero 4 sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Hangad ng Beermen ang kanilang record na ikaapat na sunod na PBA Philippine Cup title.
“We have another opportunity to win and that's always the goal. We don't want to waste the opportunity. We want to put our names on the history book," sabi ni Ross.
- Latest