Lady Realtors lusot sa Giga Hitters

 Na-blocked ni Sanja Trivunovic ng Smart Prepaid ang kill ni MJ Philips ng Sta. Lucia.

Laro Bukas(Filoil Flying V Center)

 4:15 pm   Generika-Ayala vs Cignal

 7 pm Foton vs Sta. Lucia

MANILA, Philippines — Kinailangan ng Sta. Lucia na magbanat ng buto bago itakas ang 25-15, 25-20, 23-25, 25-22 panalo laban sa Smart Prepaid upang maitarak ang kanilang ikaanim na panalo sa Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nagpasiklab si Canadian import Bohdana A­nisova na gumawa ng 18 kills, apat na blocks at isang ace habang nagdagdag naman si Filipino-American MJ Philips ng 15 puntos at si Canadian Marisa Field ng 14 markers.

Nalusutan ng Sta. Lucia ang impresibong ipinamalas ni Giga Hitters import Gyselle Silva na dating miyembro ng Cuban national team na humataw ng 40 puntos mula sa 37 attacks, dalawang aces at isang block, kapos lamang ng isang puntos para mapantayan ang rekord ni Serbian import Sara Klisura noong naglalaro pa ito para sa Foton sa 2017 PSL Grand Prix.

“We tried our best to stop her in the first and second sets. But in the third and fourth sets, she’s simply unstoppable. I told the team that we should grab the lead at least before Silva rotates in front. I’m glad that we were able to do that and Dana (Anisova) connected a lucky ace for the win,” sambit ni Sta. Lucia coach George Pascua.

Lamang ang Lady Realtors sa blocking department, 11-4 habang nakaungos din ito  sa service area laban sa Giga Hitters, 9-3.

Pagkakataon sana ng Giga Hitters na maipuwersa ang fifth set nang makuha nila ang 19-17 kalamangan sa ikaapat na kanto sa likod ng matatalim na atake ni Silva.

Ngunit agad na napi­gilan ng Sta. Lucia ang ratsada ng Smart matapos pamunuan nina Anisova at Philips ang 5-2 run para maagaw ang bentahe, 22-21.

Naitabla pa ito ni Silva sa 22-all matapos pakawalan ang cross court hit bago tuluyang umariba ang Lady Realtors na kumamada ng tatlong sunod na puntos buhat kina Philips at Field na tinuldukan ng  isang ace ni Anisova.

Wala pa ring panalo ang Smart sa pitong laro.

Show comments