Tacloban Fighting Warays bagong koponan sa PVL

MANILA, Philippines — Isang bagong koponan ang magtatangkang humamon sa mga beteranong tropa sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na magsisi­mula sa Mayo.

Pormal nang tinanggap ng PVL ang Tacloban Fighting Warays bilang bagong kapamilya sa liga.

Ipaparada ng Fighting Warays ang ilang manlalaro ng NCAA Season 93 indoor volleyball champions Arellano Lady Chiefs sa pangunguna nina Jovielyn Prado, Regine Anne Arocha at Mary Anne Esguerra.

Kinuha rin ng Tacloban sina opposite hitter Judith Abil at middle blocker Seth Rodriguez ng University of the East at playmaker Kyle Negrito ng Far Eastern University na kasalukuyan pang naglalaro sa UAAP Season 80.

Nasa lineup din sina San Sebastian College-Re­coletos setter Vira May Guillema, Jan Eunice Galang at dating Colegio de San Juan de Letran player ­Bang­ladesh Pantaleon.

Umaasa ang Flying Warays na makukuha ng grupo si NCAA Season 93 MVP Shola Alvarez ng Jose Rizal University na dating miyembro ng Pocari Sweat.

Gagabayan ang tropa ni dating Power Smashers mentor Nes Pamilar.

Kukunin ng Tacloban si dating Thai national team member Patcharee Sangmuang bilang import.

Mapapalaban ang Tac­loban sa matitikas na koponan gaya ng Creamline na babanderahan ni four-time UAAP MVP Alyssa Valdez, Binibining Pilipinas-Globe winner Michele Gumabao at libero Melissa Gohing.

Show comments