Lady Altas magsosolo sa no. 3 spot vs Lady Generals

Nagdiwang ang Perpetual Help Lady Altas makaraang igupo ang San Sebastian Lady Stags sa huling laro sa NCAA Season 93 women’s volleyball.

Laro Ngayon (The Arena)

8 a.m UPHSD vs EAC (Jrs/M/W)

12:30 p.m.CSJL vs LPU (W/M/JRS)

MANILA, Philippines — Target ng University of Perpetual Help System Dalta na masungkit ang ikatlong panalo upang masolo ang No. 3 spot sa pagpapatuloy ng NCAA Season 93 women’s volleyball tournament nga­yon  sa The Arena sa San Juan City.

Makakasagupa ng Perpetual Help ang Emilio Aguinaldo College sa alas-11 ng umaga na susundan ng bakbakan ng Colegio de San Juan de Letran at Lyceum of the Philippines University sa alas-12:30 ng hapon.

Kasalukuyang kasosyo ng Lady Altas ang College of Saint Benilde sa ikatlong puwesto tangan ang parehong 2-1 marka sa ilalim ng nagdedepensang Arellano University na may imakuladang 4-0 baraha at San Beda College na nagtataglay naman ng 3-0 marka.

Galing ang Perpetual Help sa 25-22, 25-23, 7-25, 18-25, 15-11 panalo laban sa San Sebastian College-Recoletos noong Lunes sa pangunguna ni middle hitter Maria Lourdes Clemente na bumanat ng 15 puntos.

Agresibo rin sa natu­rang laro si Cindy Imbo na kumana ng 14 puntos tampok ang tatlong aces habang naglista naman si Maria Aurora Bianca Tripoli na umiskor ng 12 markers.

Kaya naman ang tatlong manlalaro rin ang aasahan ng Perpetual Help katuwang sina setter Necelle Mae Gual at libero Marijo Medalla.

“We can’t just play tough in just one or two sets and play bad in the next one or two. We should be consistently working hard all game,” sambit ni Perpetual Help coach Macky Cariño.

Inaasahang ibubuhos naman ng Lady Gene­rals ang buong lakas nito para makasampa sa win column.

Wala pang panalo ang Emilio Aguinaldo sa tatlong pagsalang.

Galing ang tropa sa 20-25, 16-25, 16-25 kabiguan sa kamay ng Jose Rizal University.

Mamanduhan ni La­deisheen Magbanua ang opensa ng Lady Generals kasama sina team captain Chellese Joy Chan, Jaylene May Lumbo, Iona Yongco, Crislie Jean Pablo at Yvonne Tasis.

Sa men’s division, susubukan ng Perpetual Help  na sumalo sa liderato sa pakikipagtipan sa Emilio Aguinaldo sa alas-9:30 ng umaga.

May 3-0 rekord ang Altas sa ikalawang puwesto habang nangunguna ang Chiefs na may malinis na 4-0 kartada. 

Papalo naman ang salpukan ng Letran at Lyceum sa ikalawang men’s game sa alas-2 ng hapon.

Sa juniors, masisilayan din ang bakbakan ng Perpetual Help at Emilio Aguinaldo sa alas-8 ng umaga habang ang ikalawang laro sa pagitan ng Letran at Lyceum ay lalarga sa alas-3:30 ng hapon.

Show comments