PBA Season 43 ilulunsad ngayon

MANILA, Philippines — Isang press conference ang ipinatawag ng PBA ngayong tanghali para sa paglulunsad ng kanilang Season 43 sa Okada Manila sa New Seaside Drive sa Entertainment City sa Parañaque City.

Inaabangan ang pagdalo ng majority bloc, binubuo ng TNT Katropa, Meralco, NLEX, Rain or Shine, Alaska, Blackwater at Phoenix at ng mino­rity group, kinabibilangan ng San Miguel, Ginebra, Magnolia, Globalport at Kia.

Sinasabing nagkaroon na ng kasunduan ang dalawang paksyon para matuloy ang 2018 PBA Philippine Cup na didribol sa Disyembre 17 tampok ang bakbakan ng Beermen at Fuel Masters sa Smart Araneta Coliseum.

Matatandaang hindi nagkasundo ang majority bloc at ang minority group kaugnay sa pamamahala ni PBA Commissioner Chito Narvasa.

Ikinagalit ng TNT Katropa ang pagpayag ni Narvasa sa trade sa pagitan ng San Miguel at Kia para sa bitbit na No. 1 overall pick ng huli sa 2017 PBA Rookie Draft.

Para makuha ang naturang top overall pick ay ibinigay ng Beermen sa Picanto sina Ronald Tubid, Jay-R Reyes at Rashawn McCarthy bukod pa ang 2018 draft pick.

Ito ang ginamit ng San Miguel para mahugot si 6-foot-8 Fil-German Christian Standhardinger.

 Dahil dito ay inendorso ng majority bloc ang hindi pagbibigay ng extension sa termino ni Narvasa bilang PBA Commissioner na siya namang kinontra ng minority group.

Kinansela ang taunang planning session ng PBA Board sa Los Angeles, California noong Nobyembre bunga ng naturang sigalot.

Hindi rin nagawa ng PBA Board na maipasa ang league chairmanship kay incoming chairman Ramoncito Fernandez ng NLEX mula kay Mikee Romero ng Globalport.

Samantala, halos kara­mihan naman sa mga mi­yembro ng PBA Board ay nagkumpirma ng kanilang pagdalo sa annual press conference.

Show comments