Sweep sa Ateneo, bonus sa La Salle

Laro Ngayon (Smart Araneta)

2pm ADMU vs UST

4:30pm DLSU vs NU

MANILA, Philippines — Puntirya ng nagdedepensang De La Salle University na masungkit ang twice-to-beat advantage sa Final Four habang target naman ng Ateneo na makalapit sa sweep sa pagpapatuloy ng UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Araneta Coliseum.

Haharapin ng La Salle ang National University sa alas-4:30 ng hapon habang masisilayan naman ang banggaan ng Ateneo at University of Santo Tomas sa unang laro sa alas-2.

Namamayagpag ang Blue Eagles tangan ang imakuladang 11-0 rekord - tatlong panalo na lamang para makumpleto ang 14-0 pagwalis sa eliminasyon na magdadala sa kanila sa championship round.

Nasa ikalawang puwesto naman ang Green Archers tangan ang 10-2 ba­raha kabuntot ang A­damson University na may 8-4 kartada.

Nakatali sa No. 4 spot ang Far Eastern University at University of the Philippines na may magkatulad na 5-6 rekord habang nasa ikaanim ang National University na may 4-7.

Galing ang La Salle sa 94-59 demolisyon sa UST noong Oktubre 29 sa pa­ngunguna ni reigning MVP Ben Mbala na naglista ng 17 puntos at siyam na rebounds sa naturang panalo.

Subalit makakasagupa ng Green Archers ang Bulldogs na gigil na makalikom ng panalo upang manatiling buhay sa Final Four race.

Lumasap ang NU ang 77-90 pagyuko sa Adamson dahilan upang ma­nganib ang kanilang tsansa sa semis.

Kinakailangan ng Bulldogs na maipanalo ang kanilang nalalabing mga laro para makahirit ng tiket sa Final Four.

Nagwagi ang La Salle laban sa NU sa kanilang unang paghaharap sa first round sa iskor na 115-109.

Sa kabilang banda, pinapaborang manalo ang Blue Eagles kontra Grow­ling Tigers na nakabaon sa 0-12 rekord.

Show comments