Sibak na si De Luna sa US Open 9-Ball Championship

MANILA, Philippines — Tuluyan nang huminto ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa 42nd Annual US Open 9-Ball Championship na ginaganap sa Sheraton Norfolk Waterside Hotel sa Norfolk, Virginia, USA.

Ito ay matapos matalo ang nalalabing pambato ng bansa na si Jeffrey De Luna sa kanyang semifinal match laban kay reig­ning world No. 1 Chang Jung Lin ng Chinese Taipei sa pamamagitan ng makapigil-hiningang 10-11 desisyon.

Nakabaon si De Luna sa 7-10 iskor nang kunin nito ang tatlong sumunod na racks para maitabla ang iskor sa 10-all.

Tsansa na sana ng Pinoy bet na makuha ang panalo subalit nagmintis ito sa huling rack dahilan upang makabalik sa mesa si Chang at tuluyang makuha ang panalo.

Pumasok sa semis si De Luna nang pataubin si four-time World 14.1 Straight Pool champion Thorsten Hohmann ng Germany sa quarterfinals sa bisa ng 11-6 panalo.

Nauna nang nasibak sina Dennis Orcollo, Warren Kiamco, Alex Pagulayan at World Games gold medalist Carlo Biado gayundin sina 2006 World 9-Ball champion at 2007 World 8-Ball titlist Ronnie Alcano, Zoren James Aranas, Lee Vann Corteza at Johann Chua sa sa torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association.

Show comments