NAASCU: CdSL biyaheng quarters

MANILA, Philippines — Iginupo ng Colegio de San Lorenzo ang Enderun College, 66-61 para masungkit ang outright quarterfinal berth sa NAASCU Season 17 men’s basketball tournament sa RTU gym sa Mandaluyong City.

Naungusan ni Sou­le­mane Chabi Yo ang kapwa import na si Serge Wabo Captue para bitbitin ang Griffins sa ikaanim na panalo sa pitong laro.

Higit sa lahat, nakuha ng San Lorenzo ang ikalawang outright quarterfinal round slot sa Group B kasama ang De Ocampo Memorial Colleges na una nang nakasiguro ng tiket sa playoff bunsod ng imakuladang 7-0 baraha.

Nakalikom si Chabi Yo, na siyang nasandalan ng San Lorenzo nang kubrahin ang MBL title noong Hunyo, ng 26 points, 16 rebounds, apat na steals, tatlong assists at dalawang blocks sa 38 minutong paglalaro.

Naglista si Wabo Captue ng 14 puntos para sa Enderun.

Lumasap ang Enderun ng ikatlong kabiguan para mahulog sa ikaapat na puwesto sa Group B tangan ang 4-3 marka.

Show comments