Otico kumikikig pa sa ITF Junior netfest

MANILA, Philippines - Pumapalag pa si John Bryan Decasa Otico nang umabante ito sa boys’ single semifinals ng 2017 International Tennis Federation (ITF) Junior Championships na ginaganap sa National Tennis Development Center sa Nonthaburi, Thailand.

Nairehistro ng 17-anyos na si Otico ang 6-4, 6-4 panalo laban kay 10th seed Huang Lingxiang ng China para makahirit ng tiket sa Final Four ng naturang Grade 4 tournament.

Sunod na makakasagupa ng top-seeded na si Otico si 12th pick Akanit Pumjit ng Thailand na mabilis na napataob si fourth seed Zhou Xinmu ng China, 6-0, 6-1 sa hiwalay na quarterfinal match.

Si Otico na lamang ang nag-iisang Pinoy sa torneo matapos yumuko si second seed Arthur Craig Pantino sa kanyang quarterfinal game.

Natamo ni Pantino ang pinakamalaking kabiguan nang matalo ito kay seventh seed Sacchitt Sharrma ng India sa pamamagitan ng 3-6, 3-6 desisyon.

Lalarga si Sharrma sa semis laban kay 11th pick Shunsuke Mitsui ng Japan na umiskor ng 6-4, 6-0 panalo kay third seed Rishabh Sharda ng India - ang tumalo kay Filipino-Spanish Diego Garcia Dalisay sa third round.

Hangad ni Otico na makuha ang kanyang ikaapat na finals appearance sa taong ito.

Show comments