Rebisco-PSL Manila Team ipinakilala na

MANILA, Philippines - Pinangalanan na ng Philippine Superliga (PSL) ang 14 manlalarong sasabak sa 2017 Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Mayo 25 hanggang 31 na gaga­napin sa Ust-Kameno­gorsk, Kazakhstan.

Pangungunahan ang PSL Selection nina veteran international campaigners Rachel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga ng Cignal HD, Jaja Santiago ng Foton, Frances Molina at Mika Reyes ng Petron at Kim Fajardo ng F2 Logistics.

Ang anim ay bahagi ng PSL  All-Star na lumaban sa FIVB Women’s Club World Championship na gi­nanap sa Mall of Asia Are­na noong nakaraang taon kasama ang pitong foreign reinforcements.

Pasok din sa PSL Selection sina middle blo­c­kers Aby Maraño ng F2 Logistics, Maria Lourdes Clemente ng Sta. Lucia R­ealty at Maika Ortiz ng Foton; outside hitter Geneveve Casugod ng Generika-Ayala; opposite spiker Aiza Maizo-Pontillas ng Petron; setter Rhea Dimaculangan ng Petron; at libero Denden Lazaro ng Cocolife at Fatima Bia General ng Generika-Ayala.

Gagabayan ang tropa ni women’s national team head coach Francis Vicente.

Ang PSL Selection ay nasa Pool B kasama ang top seed Hisamitsu Springs-Japan, second pick Tianjin Bohai Bank-China at Vientinbank-Vietnam habang lalaro sa Pool A ang Altay Volleyball Club-Kazakhstan, Supreme Chonburi Volleyball Club-Thailand, Taiwan Power at Sarmayeh Bank-Iran.

Sisimulan ng PSL squad ang kanilang kampanya laban sa Hisamitsu Springs-Japan sa Mayo 25 kasunod ang Vientinbank-Vietnam sa Mayo 26 at Tianjin Bohai Bank-China sa Mayo 27.

Target ng PSL Selection na malampasan ang ikapitong puwestong pagtatapos ng bansa noong nakaraang edisyon kung saan naging kinatawan ang Grand Prix cham­pions Foton Tornadoes na pina­ngunahan nina American imports Ariel Usher at Lindsay Stalzer.

Show comments