Barroca susi ng Star sa 2-sunod na panalo

MANILA, Philippines -  Unti-unti ay muling naipapakita ni veteran point guard Mark Barroca ang kanyang importansya para sa Star.

Tinulungan ng 5-foot-10 na si Barroca ang Hotshots sa pagtatayo ng 2-0 kartada sa 2017 PBA Commissioner’s Cup mula sa kanyang court leadership.

Sa 101-82 paggiba ng Star laban sa Phoenix noong nakaraang Miyerkules ay naglista si Barroca ng 17 points at 2 steals sa loob ng 23 minuto mula sa bench.

Naglista naman ang dating Far Eastern University Tamaraw point guard ng 8 points, 5 rebounds, 5 assists at 2 steals sa 103-77 tagumpay ng Hotshots laban sa Globalport.

Sa likod ng kanyang pagbibida ay kinilala si Barroca, ang 2014 Philippine Cup Finals MVP, bilang  Accel-PBA Press Corps Player of the Week.

Tinalo ni Barroca para sa weekly citation ang kakamping si Peter June Simon at sina Baser Amer at Jared Dillinger ng Meralco, Maverick Ahanmisi ng nagdedepensang Rain or Shine, Ryan Araña ng Mahindra, Alaska rookie forward Carl Cruz at Jayson Castro ng TNT Katropa.

Maliban sa Hotshots, ang iba pang koponang wala pang talo ay ang Bolts (3-0), Elasto Painters (3-0) at  Aces (2-0).

Show comments