Carter nagbida sa panalo ng Grizzlies kontra sa Bucks

MEMPHIS, Tenn. -- Isi­nama ng Grizzlies ang 40-anyos na si Vince Carter sa starting lineup sa unang pagkakataon nga­yong taon para maresolbahan ang ma­lamya nilang outside shooting.

Nagsalpak si Carter ng 8-of-8 fieldgoal shooting tampok ang anim na three-point shots para umiskor ng  season-high 24 points at akayin ang Memphis sa 113-93 panalo laban sa Milwaukee Bucks.

Tumipa si Carter ng sea­son high para sa naisal­pak na 3-pointers sa una ni­yang pagkakabilang sa starting line-up ngayong season.

“He never ceases to amaze me,” sabi ni Grizzlies coach David Fizdale sa dating NBA Slam Dunk champion.

Tinapos ng Memphis ang five-game skid kasa­bay ng pagpigil sa six-game winning streak ng Mil­waukee.

Nagtala naman si guard Mike Conley ng 20 points at 10 assists, habang nagdagdag si Tony Allen at Zach Randolph ng 15 at 14 points, ayon sa pagkaka­sunod.

Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks sa kanyang 18 points kasu­nod ang 15 markers ni Mal­colm Brogdon at tig-13 points nina Greg Monroe at Matthew Dellavedova.

Sa iba pang laro, tinalo ng Chicago Bulls ang Charlotte Hornets, 115-109; giniba ng Toronto Raptors ang Dallas Mavericks, 100-78; iginupo ng Minnesota Timberwolves ang Washington Wizards, 119-104; pinigil ng Sacramento Kings ang Orlando Magic, 120-115; di­naig ng Utah Jazz ang Los Angeles Clippers, 114-108; at dinurog ng Denver Nuggets ang LA Lakers, 129-101.

Show comments