MANILA, Philippines - Ibubuhos na ng nagdedepensang College of St. Benilde at San Beda College ang buong puwersa nito sa paglarga ng knockout phase ng stepladder semis sa NCAA Season 92 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Lady Blazers at Red Spikers sa alas-4 ng hapon kung saan ang magwawagi ang siyang haharap sa Arellano University na nagtataglay ng twice-to-beat card sa second phase ng stepladder semis.
Nakuha ng Benilde ang No. 3 seed nang payukuin ang San Beda, 25-19, 25-23, 17-25, 25-18 sa playoff noong Biyernes.
Sanay na ang Lady Blazers sa ganitong sitwasyon.
Ganito rin ang pinagdaanan ng Benilde noong nakaraang taon nang isa-isa nitong payukuin ang kanilang karibal kabilang na ang thrice-to-beat San Sebastian College para makuha ang kampeonato.
“We've been in this kind of situation before like what happened last year we came all the way back from No. 4 to become champion. We hope we could do it again,” ani St. Benilde coach Macky Carino.
Lalarga rin ang bakbakan sa men's division, tampok ang duwelo ng Benilde at Arellano sa alas-2 ng hapon at ng reigning titlist University of Perpetual Help System Dalta at ng San Beda sa alas-11:30. Parehong may twice-to-beat and Blazers at Altas.
Nakuha ng Blazers ang top seeding nang talunin ang Altas, 25-21, 25-23, 25-14 sa playoff.
Sa juniors, haharapin ng Emilio Aguinaldo College ang Perpetual Help sa stepladder semis sa alas-9 ng umaga kung saan armado ang una ng twice-to-beat card.
Target ng Brigadiers na maiselyo ang pakikipagtuos sa Lyceum of the Philippines na una nang nagmartsa sa finals matapos walisin ang pitong asignatura sa eliminasyon para mabiyayaan ng thrice-to-beat.