Corteza kinapos sa Russian cue artist

Inaasinta ni Lee Van Corteza ang kanyang susunod na tira laban kay Ruslan Chinakov ng Russia sa finals ng World Pool Series First Leg-The Molinari Players Championship sa Steinway Billiards sa Astoria Queens sa New York.

MANILA, Philippines - Nagkasya sa runner-up honors si Lee Vann Corteza matapos yumuko kay Russian Ruslan Chinakov sa championship round ng World Pool Series First Leg - The Molinari Players Championship na ginanap sa Steinway Billiards sa Astoria Queens sa New York City, USA.

Hindi umubra ang tikas ni Corteza nang lumasap ito ng 6-16 kabiguan kay Chinakov sa torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association.

Naibulsa ni Chinakov ang tumataginting na $20,000 habang napa­sakamay ni Corteza ang $8,500 konsolasyon.

Nakapasok si Corteza sa finals nang gapiin nito si Darren Appleton ng Great Britain sa semifinals sa bendisyon ng 18-16 panalo.

Napigilan naman ni Chinakov ang all-Filipino finale nang patalsikin nito si Johann Chua sa hiwalay na semis match, 15-8.

Gayunpaman, mag-uuwi pa rin ng tig-$5,250 sina Chua at Appleton.

Nasa ikalimang puwesto lamang si dating world champion Dennis Orcollo habang ikasiyam si Carlo Biado, ika-17 sina Alex Pagulayan at Ramil Gallego, ika-33 si Israel Rota, at ika-65 sina Francisco Bustamante at Jean-Michael Berille.

Dahil sa panalo, nakasisiguro na si Chinakov ng tiket sa Grand Finale ng World Pool Series na Pre­dator World Series Championship sa Setyembre 27 hanggang Oktubre 1.

Sunod na aarangkada ang second leg ng World Pool Series na tatawaging Aramith Masters Championship sa Abril 4 hanggang 7 habang ang third Leg - Ryo Rack Classic Championship ay lalaruin sa Hulyo 12 hanggang 15.

Show comments