Warriors tinusta ang Suns

   Nahugutan ng foul ni Stephen Curry ng Warriors si  Mirza Teletovic ng Suns sa first half sa NBA.

PHOENIX-- Kundi lamang ipinagpahinga ni coach Steve Kerr si Stephen Curry sa fourth quarter ay nakapagtala ang NBA MVP ng triple-double.

Pinalawig ng Golden State Warriors ang kanilang ratsada sa 11 sunod nang kunin ang 112-104 panalo laban sa Suns.

Tumapos si Curry na may 26 points, 9 rebounds at 9 assists para sa defending NBA champions.

Nag-ambag naman si Klay Thompson ng 24 points para sa Golden State.

 Binanderahan naman ni Archie Goodwin ang Phoenix sa kanyang 20 markers kasunod ang 19 ni Markieff Morris at 15 ni rookie guard Devin Booker na naglista ng career-best 10 assists.

Sa Cleveland, naging side show lamang ang huling laro ni Kobe Bryant sa Cleveland nang muling ma-injured ang naopera­hang kaliwang balikat ni Cavs forward Kevin Love sa first half ng kanilang 120-111 panalo laban sa Los Angeles Lakers.

Umiskor si point guard Kyrie Irving ng season-high 35 points at nagdagdag si LeBron James ng 29 mar­kers para sa Cavaliers.

Kaagad nilisan ni Love ang court sa dulo ng second quarter matapos masaktan ang kanyang kaliwang balikat habang nakikipag-agawan ng posisyon kay Bryant sa shaded lane. 

Hindi na bumalik si Love sa second half, habang wala namang pahayag ang Cavs tungkol sa injury niya.

Naglista si Bryant ng 17 points para sa kanyang huling laro sa Cleveland at tumipa naman si guard Lou Williams ng 28 points para pangunahan ang Lakers, naipatalo ang 13 sa kanilang huling 15 laro.

Show comments