Tsansa ng Gilas nakadepende sa unang laro

MANILA, Philippines – Ang unang laro ng Gilas Pilipinas ang magdidikta sa kanilang magiging tsansa sa Olympic Qualifying Tournament (OQT) na pamamahalaan ng bansa sa July 4-10 sa Mall of Asia Arena.

Sinabi kahapon ni coach Tab Baldwin na kailangang ipanalo ng Gilas Pilipinas ang kanilang opening match para mapalakas ang tsansang makapaglaro sa 2016 Rio Olympics.

“In a very short tournament like this, you must come out winning,” wika ni Baldwin sa PSA Forum sa Shakey’s Malate.

Wala pang katiyakan hanggang kagabi kung sino sa lima sa kabuuang 18 koponan ang mapapasama sa Manila OQT.

May posibilidad na dalawa mula sa Europe kagaya ng France (No. 5) o Greece (No. 10) at tig-isa buhat sa Africa katulad ng Angola (No. 15) o Senegal (No. 31) ang makaka-grupo ng Pilipinas.

Dalawa pang koponan mula sa Africa at Americas ang maaaring makasama ng Nationals.

Ang Italy at Serbia ang mamahala sa dalawa pang OQTs.

Ang drawing of lots ay nakatakda sa ganap na ala-1:30 ng umaga (Manila time) sa Geneva

Sinabi ni Baldwin na susubaybayan niya ang drawing of lots.

“I’m not going to lose sleep from one to seven in the morning whether Greece is coming or not coming. I have no control over that,” wika ni Baldwin.

Halos maigiya ng Gilas head coach ang Pilipinas sa FIBA Asia gold noong nakaraang taon.

Sinuman sa Greece, Canada, France o Czech Republic ay tiniyak ni Baldwin sa mga Pinoy fans na magiging handa ang Gilas Pilipinas.

Show comments