Lady Blazers sinibak ang Lady Chiefs

Katuwang si Jewel Hannah Lai (1) ay nablangka ni Mariztela Layug (3) ng UP ang spike ni Mariveth Lara (3) ng La Salle-Dasmariñas. PM photo ni Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Bumangon ang St. Be­nilde  mula sa 0-2 pagkakalubog para silatin ang Arellano, 23-25, 25-27, 25-23, 25-23, 15-10 sa pagtatapos kahapon ng Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Confe­rence quarterfinals sa The Arena sa San Juan City.

Ang kawalan ng pressure ang nakatulong para mailabas ng Lady Blazers ang itinatagong laro para makatikim din ng  panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at  handog ng PLDT Home Ultera.

Masakit ang kabiguang ito para sa NCAA champion Lady Chiefs dahil nasibak sila sa kompetisyon sa 3-4 na tinapos.

Nabiyayaan ng panggugulat ng St. Benilde ang UST Tigresses na siyang kumuha ng ikaapat at hu­ling upuan sa Final Four sa 4-3 karta.

Sa Sabado (Setyembre 12) magsisimula ang aksyon sa best-of-three semifinals at katapat ng Tigresses ang walang talong Ateneo Lady Eagles at ang nagdedepensang kampeon FEU Lady Tamaraws at runner-up National University Lady Bulldogs ang mag-aagawan sa isang puwesto sa finals.

May 26 kills at 3 blocks tungo sa 31 puntos si Jannine Navarro para pangunahan ang Lady Blazers tungo sa disenteng pamamaalam sa liga.

Tinapos naman ng UP Lady Maroons ang kampanya bitbit ang dalawang dikit na panalo matapos angkinin ang 25-19, 25-10, 25-18 straight sets tagum­pay sa La Salle-Das­mariñas sa naunang laro.

Show comments