Pacquiao kukunin para sa ‘The Expendables 4’

MANILA, Philippines – Nagkaroon na ng inisyal na pag-uusap sina Manny Pacquiao at Hollywood superstar Sylvester Stallone para sa pagsalang ng Filipino world eight-division champion sa gagawing ‘The Expendables 4’.

Sa kanyang pag-eensayo sa Wild Card Boxing Gym ni chief trainer Freddie Roach para sa laban kay Floyd Mayweather Jr. ay dinalaw si Pacquiao ni Stallone.

Inamin ni Stallone na kinukuha niya ang ‘Fighting Congressman’ para makasama sa ‘The Expendables 4’.

Wala pang opisyal na pahayag ang 36-anyos na si Pacquiao kung tatanggapin niya ang alok ni Stallone.

Bukod kay Stallone, inimbitahan din ni Arnold Schwar­zenegger si ‘Pacman’ para sumama sa kanilang gagawing pelikula.

Isa rin sa ikinukunsidera ni Stallone para sa ‘The Expendables 4’ ay ang Bollywood actor na si Salman Khan.

Inilunsad ang ‘The Expendables’ noong 2010 na nagtampok kina Stallone, Schwarzenegger, Jason Statham, Terry Crews at Mickey Rourke.

Lumaylay naman sa takilya ang ‘The Expendables 3’ sa kabila ng pagkakasama sa grupo nina UFC champion Ronda Rousey, Wesley Snipes, Mel Gibson at Antonio Banderas.

Ang ‘The Expendables 3’ ay kumita lamang ng kabuuang $206 milyon sa buong mundo.

Show comments