Junior Altas puso ang ginamit sa pagsikwat ng korona

MANILA, Philippines – Ang matibay na puso ang naging sandigan ng Junior Altas para makopo ang korona ng 90th NCAA juniors volleyball tournament.

Ito ang sinabi ni Perpetual Help coach Sandy Rieta matapos walisin ng kanyang koponan ang Lyceum Junior Pirates sa kanilang best-of-three championship series na idinaos sa The Arena sa San Juan City.

“The boys showed heart, that’s the only word I can think about,” ani Rieta matapos kunin ng Junior Altas ang 25-15, 25-23, 25-19 panalo laban sa Junior Pirates sa Game Two.

Winakasan ng Las Piñas-based team ang kanilang apat na taong pagkauhaw sa NCAA crown.

Ito rin ang pang-pitong titulo ng Perpetual Help sa NCAA sa itaas ng record na 15 ng San Sebastian Junior Stags.

Ngunit ang mahalaga ay naibsan ang kabiguan ng women at senior teams ng Perpetual na maidepensa ang kani-kanilang mga korona.

“This is why we’re sha­ring this team to our men’s and women’s volleyball teams, this is really for Perpetual Help and our supporters as a whole,” sabi pa ni Rieta.

Aminado si Rieta na hindi naging madali ang kanilang pagsikwat sa titulo.

Tinapos ng Perpetual Help ang eliminasyon sa ikatlong puwesto sa kanilang 5-2 slate sa ilalim ng Lyceum (7-0) at dating three-peat champion Emilio Aguinaldo College (6-1).

Isa rin sa sinandalan ng Perpetual sa kanilang pag-apak sa finals si Ricky Marcos na hinirang na Finals MVP.

Show comments