Krusyal na panalo asam ng Pirates vs Alibaba

MANILA, Philippines – Nahaharap sa must-win game ang Bread Story-LPU Pirates sa Racal Motors Alibaba para manati­ling buhay ang paghahabol ng titulo sa PBA D-League Aspirants’ Cup sa pagtatapos ng eli­mination round ngayong araw sa Marikina Sports Complex, Marikina City.

Sa ganap na alas-2 ng hapon gagawin ang laro at hangad ng Pirates na pantayan ang 5-6 karta ng Tanduay Light Rhum Masters para siyang uma­bante sa quarterfinals bilang ikaanim at huling koponan.

Mangyayari ito dahil tinalo ng Pirates ang Rhum Masters, 69-64, sa kanilang unang pagkikita upang umabante sa susunod na yugto sa pamamagitan ng ‘winner-over-the-other’ rule.

Pero kung magwagi ang Alibaba, pahinga na ang Bread Story habang magpapatuloy ang kampanya ng Tanduay.

Mataas ang morale ng Pirates dahil papasok sila mula sa dalawang sunod na panalo laban sa Wangs Basketball at MP Hotel Warriors.

Pero hindi sila dapat mag­kumpiyansa dahil deter­minado ang Alibaba na wakasan ang minalas na kampanya bitbit ang da­lawang sunod na panalo.

Wawalisin naman ng Cagayan Valley Rising Suns ang elimination round sa pagharap sa Couriers sa huling laro dakong alas-4 ng hapon.

Galing ang koponan sa 80-77 panalo laban sa da­ting walang talong Hapee Fresh Fighters sa huling laro at naipalasap nila ang unang kabiguan sa katunggali nang naipasok ni Abel Galliguez ang tres, isang segundo ang nalalabi sa orasan.

Show comments