Altas hahagipin ang ika-52

MANILA, Philippines – Dudugtungan pa ng five-time defending champion Perpetual Help Altas ang kanilang winning streak sa pagharap sa Lyceum Pirates sa NCAA men’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Huling pinadapa ng Altas ang San Sebastian Stags noong Biyernes sa 25-21, 25-17, 25-16, straight sets panalo para sa ikaapat na sunod na tagumpay sa 90th season at ika-51 sunod mula pa noong 2010.

Ang laro ay magsisi­mula sa alas-9 ng umaga habang sasalang din sa aksyon ang Lady Altas kontra Lady Pirates sa alas-11 ng umaga at balak buma­ngon mula sa pagkatalo sa San Sebastian Lady Stags.

Naipagpatuloy ng Lady Stags ang pangunguna sa liga nang kunin ang ikaapat na sunod na panalo sa pamamagitan ng 25-18, 20-25, 25-18, 25-23, panalo sa Jose Rizal Lady Bombers kahapon.

May 32 kills sa laro si Grethcel Soltones para tulungan ang Lady Stags sa 73-38 dominasyon sa attack points.

Hindi nakadalawa ang San Sebastian dahil hindi napangatawanan ng Stags ang 2-0 kalamangan nang naisuko ang 20-25, 20-25, 25-17, 25-23, 15-7 pagkatalo sa Heavy Bombers.

Nakatikim naman ng ka­una-unahang panalo ma­tapos ang tatlong laro ang Mapua Lady Cardinals sa 25-22, 25-13, 22-25, 25-15, tagumpay sa Letran Lady Knights sa isa pang women’s match. (AT)

Show comments