Azkals lagapak sa No. 134 sa FIFA world rankings

MANILA, Philippines - Nahulog ang Philippine men’s football team sa pinakahuling FIFA ran­kings matapos maisuko ang korona ng nakaraang Peace Cup.

Mula sa pagiging No. 128 ay nalaglag ang Philippine Azkals sa No. 134 sa September world rankings.

Natalo ang Azkals sa bisitang Myanmar sa annual local pocket tournament na Peace Cup kung saan nadiskaril ang hangad nilang pangatlong sunod na korona ngayong taon.

Dahil sa naturang ta­gumpay ay umangat naman ang mga Burmese sa No. 143 mula sa pagiging No. 160.

Bagama’t nahulog sa FIFA rankings ay nananatili pa rin ang mga Filipino booters bilang top team sa Asean region.

Nakatakdang sumabak ang Azkals sa AFF Suzuki Cup sa Nobyembre.

Ang Vietnam ang pu­mapangalawa sa Southeast Asia sa kanilang world ranking na No. 142, habang pangatlo naman ang Singapore (world No. 149) kasunod ang Malaysia (world No. 154).

Ang mga kukumpleto sa Asean list ay ang Indo­nesia (156th), Thailand (158th), Laos (169th), Brunei (193rd), Timor-Leste (193rd) at Cambodia (199th).

Show comments