Dooley tiwala pa rin sa Azkals

CEBU CITY--Hindi na­wala ang pagtitiwala ni Azkals coach Thomas Dooley sa kanyang koponan kahit na nabigo itong samantalahin ang pagkakataong makaiskor sa kanilang scoreless stalemate sa Malaysia.

Sinabi ni Dooley na nagustuhan niya ang inilaro ng mga Pinoy booters na hindi tinigilan ang Tigers at nagpahayag ng kumpiyansang makakaiskor sila sa darating na AFC Challenge Cup.

“I’m very confident that we can play good games against teams in the Challenge Cup and just hope in the end, maybe score the goal or two more goals that we need,” wika ng German-American mentor.

Dinomina ng Azkals ang Tigers sa halos kabuuan ng kanilang laro kung saan mas marami silang ball possession at tsansang makaiskor.

Ngunit hindi nila ito naisakatuparan.

Sinandalan ng Azkals ang penalty save ni keeper Patrick Deyto laban kay Safee Sali para itakas ang kanilang ikalawang sunod na goal-less draw sa Tigers.

“Forget about the last five minutes, I think we deserved to win (this match),” ani pa ni Dooley.

Ginamit ng dating US team skipper ang kanyang Phl-based crew kasama sina Jerry Lucena at Matrin Steuble mula sa Europe.

 

Show comments