Sea Lions, Lyceum wagi sa MBL

MANILA, Philippines - Nagwagi ang Sea Lions at ang Lyceum of the Philippines  laban sa kani-ka­nilang mga katunggali sa pagsisimula ng 2014  MBL Open basketball cham­pion­ship sa Lyceum gym sa Intramuros, Manila.

Sumandal ang Sea Lions  sa mainit na kamay ng ex-pro  na si  Egay  Billones  upang pabagsakin ang SCUAA  runner-up na Polytechnic University of the Philippines, 77-60, habang uma­sa ang Lyceum sa ba­lanseng scoring attack  upang biguin ang NAASCU  third-placer na Our Lady of Fatima University,  69-62, sa kapana-panabik na mga laro,  na bahagi ng ika 14 taong selebrasyon ng liga.

Si Billones, dating nag­laro sa Air21, Purefoods at Talk N Text sa PBA mula  2002-2008,  ay humugot ng  game-high 20 puntos para sa Sea Lions nina playing coach Jemuel Laron at ma­nager Donna Alvaran.

Tumulong din sina Ni­ño Marquez,  Raymond  Ma­conocido, Pol Santiago, Pam­boy Raymundo at im­­port Jimmy Brown para sa Sea Lions.

 

Show comments